Si Manila Mayor Alfredo Lim ang nag-utos na arestuhin si SPO2 Gregorio Mendoza, kapatid ni dismissed Sr. Insp. (Capt.) Rolando Mendoza na nang-hostage ng Hong Kong tourists noong Lunes at nagresulta sa pagkasawi ng walong bihag at ng huli.
Ito ang sinabi kahapon ni Manila Police District (MPD) director, Chief Superintendent Rodolfo Magtibay sa ginawang pagdinig kahapon sa joint hearing ng Senate Committee on Public Order and illegal drugs at committee on justice and human rights.
“It’s Mayor Lim,” pahayag ni Magtibay sa komite matapos tanungin ni Senador Ramon Revilla Jr. kung sino ang nag-utos sa kanya para ipaaresto si SPO2 Mendoza.
Si Sr. Insp. Joselito Binayug ng Asuncion PCP ng Tondo, Manila habang tinatanong kahapon sa hearing ng Senado kaugnay ng magkasunod na insidente ng ‘torture video’ at hostage-taking. Mariing itinanggi ni Binayug na siya ang pulis sa video na kitang-kitang nagpapahirap sa isang nakahubad na arestadong holdup suspect sa loob mismo ng presinto. (Jonas Sulit) |
Sinasabing ang pag-aresto kay SPO2 Mendoza ang siyang nagtulak sa hostage taker na barilin ang mga suspek.
Sa utos ni Lim, sinabi ni Magtibay na inatasan niya ang kanyang mga tauhan na dakpin si Gregorio subalit pumalag naman ito sa mga umarestong pulis na nagresulta sa komosyon.
Ang naturang komosyon ay napanood naman ni Capt. Mendoza ng live sa TV sa loob ng bus na nag-udyok dito para magalit.
Nilinaw naman ni Magtibay na hindi bahagi ng negotiating team si SPO2 Mendoza, ang pinaarestong kapatid.
“Hindi po siya parte ng negotiating team. He was just allowed to escort Superintendent Orlando Yebra, isa sa mga negosyador to deliver the letter to Mendoza,” ani Magtibay, ang ground commander sa negosasyon.
Sa halip na tulungan ang mga negosyador na payapain ang hostage-taker, sinabihan umano ni Gregorio ang kanyang kapatid na “Tol, huwag ka muna pumayag hangga’t ‘di nila binabalik baril ko.”
Samantala, sinegundahan ni SPO2 Mendoza ang pahayag ni Magtibay na si Lim ang nag-utos na arestuhin siya.
Sa panayam ng programang ‘Umagang Kay Ganda’ ng ABS-CBN, isinalaysay ni SPO2 Gregorio Mendoza kung paano siya inaresto at dinala sa police precinct at pinaratangang siya’y “accessory to the crime” sa kabila ng kanyang pagkukumahog na makatulong sa mga negosyador upang mapakalma ang kalooban ng kanyang hostage-taker na kuya.
“Magkatabi po sina Mayor Lim at General (Rodolfo) Magtibay. Ang nag-utos po sa akin po noon ay si Mayor Lim. Hindi po ako nagsisinungaling, totoo po iyon, ayaw ko pong sabihin ito pero iyon po ang totoo para po sa hustisya. Nakiusap po ako kay Mayor Lim, na for the last time kakausapin ko ang kapatid ko para mapahinto ko ang kanyang kalooban, pero noong mag-closed-door meeting sila, doon na lang sinabi isama na lang ‘yan,” ang umiiyak na pahayag ni SPO2 Mendoza.
“Baka na-rattle siya.”
Ito ang naging reaksyon kahapon ni Mayor Lim matapos ang ginawang pagdiin sa kanya ng sinibak na Manila Police District (MPD) director na si Magtibay sa idinaos na pagdinig ng Senado kahapon.
Ayon sa alkalde nagulat siya nang ito ang inilitanya ni Magtibay, na siya ang nag-utos na arestuhin si SPO2 Mendoza gayong sinabi nito sa ginanap na press conference kamakalawa bago siya na-relieve na “I’m taking full responsibility for what happened.”
“Nagulat na lang ako sa sinabi niya. ‘Di ba andito naman kayo kahapon (media) at narinig ninyo ang sinabi niya siguro siya ang dapat ninyong tanungin kung bakit niya sinabi ‘yon,” ayon sa alkalde.
Inamin ng alkalde na pumunta siya sa Quirino Grandstand dakong alas-singko ng hapon hanggang alas-6:30 ng gabi at sinabihan pa niya si Magtibay na tiyakin ang kaligtasan ng mga bihag at gawing mapayapa ang pagtatapos sa negosasyon.
Samantala, aalamin ngayon ng pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kung sino ang taong nakausap ni Capt. Mendoza sa cellphone habang nasa kasagsagan ng hostage-taking noong Lunes, ilang oras bago nito paputukan ang hawak na mga turistang bihag.
Ayon kay NCRPO chief Director Leocadio Santiago, purpursigihin nilang alamin kung sino ang nag-udyok sa hostage-taker na buksan ang telebisyon sa loob ng Hong Thai Travel Bus upang ipakita ang ginawang pag-aresto sa kanyang kapatid na si SPO2 Mendoza. Related Articles :
0 comments:
Post a Comment